Tuesday, October 6, 2009


"Tula Para Sa Mga Ina"

Ang sabi sa akin ng aking ina
Ako ay galing sa sinapupunan niya;
Sa bahay-bata niya kanya akong dala-dala
Siyam na buwang singkad kanya akong inalala...

Nang ako’y magkaisip aking nasilayan
Kung paanong mga anak kanyang alagaan;
Sa langaw at lamok ‘di hahayaang madapuan
Babantayan niya paglalaro mo sa lansangan...

Bago ka mag-aral tuturuan ka niya
Sisimulan sa tama gamit yaong "Abakada";
Hindi ka niya kukurutin o kaya’y babatukan
Ni luluhod sa asin o didipa sa harapan...

Ang pagluluto niya ay ubod ng sarap
Piniritong bangus, sinigang na apahap;
Bulanglang na gulay, pinangat na sapsap
Adobo, mechado, afritada, at maski-pap...

Sa pananamit ay kanya kang iyaayos
Plantsadong mga damit, malilinis na sapatos;
Mamahaling medyas sa iyo’y kanyang isusuot
Nang ang mga paa mo ay hindi magkapaltos...

Kahit nang magbinata ang anak niyang mahal
Walang tigil ang pagpayo upang ‘di mapahamak;
Sabi n’ya, "Sa ‘yong sinta’y ‘wag lubos na magmahal,
at baka mabigo ka, puso mo ay mawasak!"

Kapag sumapit na ang anak sa graduation
Ang ina niyang mahal ay full of appreciation;
"Anak, ang galing mo, you did it, please go on"
Siya ay nagsisilbing palaging inspirasyon...

Kahit mga anak niya ay mag-asawa na
Naroon pa ring sumusubaybay sa kanila;
Sukdulang tumulong galing sa kanyang bulsa
Huwag lang maghirap ka sa pagpapamilya...

Ang aking masasabi ay iisa lamang
Gaano man kalaki natamong katagumpayan;
Sa likod ng anak ay may isang kaakbay
Walang iba kundi ang mahal niyang Nanay!

Mabuhay ang lahat ng Nanay!

by: Ella F. Armamento

No comments:

Post a Comment