Tuesday, October 6, 2009

"O Aning, Ganda Mo'y Kay Ningning"

O Aning ng Imus, ganda mo'y kay ningning,
Kaaya-aya ang iyong mukha sa aking paningin,
Maninipis mong labi, may ngiting anong lambing,
Nangungusap mong mata'y gaya ng isang bituin!

Ang katulad mo ay isang bukang-liwayway,
Na mababanaag ang pagsungaw ng araw,
May huni ng mga ibon, tila nag-aawitan,
Na ang paligid ay luntiang halamanan!

Ang iyong halimuyak ay sariwang bulaklak,
Sampaguita, rosal, kamiya, lila't rosas,
Nakakapatid-uhaw ang ngiti mo't halakhak,
Hindi man lang mamalayan ang pagdaan ng oras...

Salita sa iyong bibig animo ay musika,
May angking karunungang kahali-halina,
Mutya ng Imus, tunay ang iyong ganda,
Karangalan ang ikaw ay aking nakilala!

by: Quennie Lou V. De Leon

No comments:

Post a Comment